fbpx

Ang Araw at ang Babaeng Apoy

Sun-01-Cover

Ang Araw at ang Babaeng Apoy

ISANG KWENTONG TINGUIAN

Ang kwentong ito ay nagmula sa mga Tinguian o mga Itneg ng Abra. Maraming mga kwento tungkol kay Aponibolinayen kung saan siya'y nakapag-asawa ng iba pang mga tao. Sa kultura ng mga Tinguian, mahalaga ang pagngunguya ng buyo at madalas na ginagawa ito bago magpakilala ang dalawang tao. Ang pagluwa ng buyo pagkatapos nguyain ay nakakapagsabi ng iyong kapalaran at relasyon. 

PABAON NA KULTURA

I-download ang kwento o i-preorder ang riso zine at maghandog tungo sa pagpapanatiIli ng ating mga katutubong kultura.

Isang araw, ang pinakamagandang babae sa balat ng lupa na si Aponibolinayen, ay biglang dinakot ng baging patungo sa langit. Dito sa kalangitan, inilapag siya ng baging sa ilalim ng puno at nabighani sa kanyang nakitang tanawin. Isang napakagandang bukal na pinapaligiran ng mga brilyante na kasing pino ng buhangin, at mga matataas na puno na may bunga ng malagintong mga buyo

May napansing bahay si Aponibolinayen sa tabi ng bukal. Takot na takot siyang mahanap ng may-ari nito, kaya't nagtago siya sa tuktok ng isang puno ng buyo. Napansin niya na ang may-ari ng bahay ay ang Araw na kinikilalang si Init-init. Tuwing umaga, siya ay lumuluwas patungo sa mundo upang bigyang liwanag ito. Dahil sa gutom, pinasok ni Aponibolinayan ang bahay ni Ini-init habang wala siya upang magluto ng pagkain. Kumuha siya ng maliit na sanga at hinulog ito sa kumukulong tubig. Ang mga ito'y nagbagong anyo at naging isda. Kinain niya ito, at nang mabusog si Aponibolinayen, nahiga siya sa kama at natulog.

Sun-02-Cook

 

Sun-03-Sleep-Size

Pag-uwi ni Ini-init, nadatnan niyang nasusunog ang bahay niya.

Agad-agad siyang tumakbo patungo ng kanyang bahay. Subalit, ang inaakala niyang apoy ay isa palang magandang babaeng natutulog sa kanyang kama. Naisip niyang paghandaan at imbitihan ang babaeng ito na kumain kasama niya. Ngunit nagising si Aponibolinayen sa ingay ng pagluluto niya, at siya’y tumakas pabalik sa tuktok ng puno ng buyo.

Kinabukasan, bumalik si Aponibolinayen para magluto. Ngunit sa pagkakataong ito, nag-iwan siya ng pagkain para sa may-ari ng bahay. Nang nakita ito ni Ini-init kanyang naisip, "Marahil galing ito sa babaeng apoy. Kapag siya'y bumalik, susubukan ko siyang hulihin." Sa susunod na araw pagkauwi ni Init-init galing sa mundo, tahimik at patiyad siyang umakyat sa kanyang bahay. Pagpasok niya, mabilisan niyang sinara ang pinto sa likod niya. Nagulat si Aponibolinayen  sa ginawa ni Init-init at ikinagalit niya ang pagsara ng pinto. Ngunit, inalok siya ni Ini-init ng gintong buyo na kanilang nginuya nang magkasama. Nagpakilala sila sa isa't isa, nag-usap, kumain, at unti-unting nagkilala.

Sun-04-Betel-Nut
Sun-05-Love

Sa huli, nagpakasal si Aponibolinayen at si Ini-init. Matapos magbigay ng liwanag ni Init-init sa buong mundo, gabi-gabi siyang umuuwi sa masarap na handa, gawa sa pagmamahal at hiwaga ng babaeng apoy.

 

Sun-06-CTA

Sa pagkilala at pagtanghal sa mga katutubong Pilipino, nakipagugnayan ang Gunitaan sa PAGASA upang magbigay suporta sa komunidad ng Aeta, Lumad, T'boli at mga katutubong nasalanta ng bagyo sa Camarines Sur. Kapalit ng donasyon sa anumang halaga ay isang digital compilation.

Ang aklatan ay isa ring risograph art zine na inilathala sa tulong ng Bad Student na bukas sa mga preorder hanggang Dec. 11, 2020. Dahil sa pinsalang dulot rin ng bagyo sa kanila, 10% ng malilikom mula sa zine ay ilalaan sa Bad Student. Ang natitirang 90% ay ilalaan pa rin sa mga komunidad na sinusuporta ng PAGASA.

 

Sun-07-Footer-Stamp
Sun-08-Footer-Books

Ang Gunitaan ay isang munting aklatan ng ating mga alamat. Sa pamamagitan ng design, hinahangad ng Gunitaan na itanghal at mapanatili ang angking rikit ng mga kulturang bumubuo sa ating pagka-Pilipino

Handog ng Serious Studio.