Si Lumawig at ang Mundo
ISANG KWENTONG IFUGAO
Ang kwentong ito ay nagmula sa mga Ifugao ng Cordillera. Si Lumawig ay ang pinakadakilang espiritu ng mga Ifugao na siyang kanilang tagapaglikha. Ang Mayinit (ngayong tinatawag na Mainit) at Samoki ay mga barangay sa Bontoc, Mountain Province na hanggang ngayon ay kilala pa rin sa mga kalakal na binigay ni Lumawig sa kanila.
PABAON NA KULTURA
I-download ang kwento o i-preorder ang riso zine at maghandog tungo sa pagpapanatili ng ating mga katutubong kultura.
Noong sinaunang panahon at wala pang nabubuhay na tao, bumaba si Lumawig, ang Dakilang Espiritu, mula sa kalangitan upang magputol ng mga tambo. Pinagpares niya ang mga ito at ikinalat sa iba't-ibang bahagi ng mundo. "Kayo'y magsalita.", utos ng espiritu sa mga tambo. Naging babae at lalaki ang mga tambo. Bawat pares ay nagkaroon ng natatanging wika na naiiba sa lahat.
Inutos ni Lumawig na ang bawat pares ay mag-asawa at magkaroon ng mga anak na may wikang kapareho nila. Sa paglipas ng panahon, nagkaroon din sila ng kanilang sariling mga anak at dahil dito, dumami ang sangkatauhan.
Nakita ni Lumawig na may mga bagay na kailangan ang mga tao sa mundo, kaya siya'y nagsimulang magtrabaho upang maipagkaloob ang mga pangangailangan nila.
Lumikha siya ng asin at sinabi sa mga naninirihan sa isang lugar na pakuluan ito at ibenta sa kanilang mga kapitbahay. Ngunit hindi nila maintindihan ang mga tagubilin ni Lumawig. Sa muling pagbisita niya, nakita niyang di man lang ito nagalaw. Binawi niya ito mula sa kanila at ibinigay sa mga tao ng Mayinit. Nasundan nila ang mga tagubilin ni Lumawig. Dahil dito, inatasan ang mga taga-Mayinit bilang tagapangasiwa nito, makipagkalakalan sa mga karatig bayan, at sila lang ang maaaring magbenta nito.
Nagtungo naman si Lumawig sa Bontoc at binigyan ng putik pang tapayan at palayok ang mga tao rito. Tinaggap nila ang putik. Subalit hindi nila mawari ang tamang paghubog nito kaya di kanais-nais ang kinalabasan ng mga ito. Inutos ni Lumawig na habang-buhay nilang kinakailangang bumili ng mga tapayan at palayok mula sa iba. Ibinigay ni Lumawig ang putik sa Samoki. Sinundan ng mga taga-Samoki ang mga tagubilin ni Lumawig at lumikha sila ng mga magagandang tapayan at palayok. Nakita ni Lumawig na sila nga ang karapat-dapat na mag-angkin nito. Kaya inatasan niyang lumikha sila ng marami at ito’y kanilang ikalakal.
Sa ganitong paraan, nilikha ni Lumawig ang mundo at ipinagkaloob sa sangkatauhan ang lahat nang mayroon sila.
Sa pagkilala at pagtanghal sa mga katutubong Pilipino, nakipagugnayan ang Gunitaan sa PAGASA upang magbigay suporta sa komunidad ng Aeta, Lumad, T'boli at mga katutubong nasalanta ng bagyo sa Camarines Sur. Kapalit ng donasyon sa anumang halaga ay isang digital compilation.
Ang aklatan ay isa ring risograph art zine na inilathala sa tulong ng Bad Student na bukas sa mga preorder hanggang Dec. 11, 2020. Dahil sa pinsalang dulot rin ng bagyo sa kanila, 10% ng malilikom mula sa zine ay ilalaan sa Bad Student. Ang natitirang 90% ay ilalaan pa rin sa mga komunidad na sinusuporta ng PAGASA.
Ang Gunitaan ay isang munting aklatan ng ating mga alamat. Sa pamamagitan ng design, hinahangad ng Gunitaan na itanghal at mapanatili ang angking rikit ng mga kulturang bumubuo sa ating pagka-Pilipino
Handog ng Serious Studio.